Kinabibiliban ang isang lalaki sa Roxas, Palawan dahil sa abilidad niyang pakinabangan ang mga patapong bagay. Gaya ng mga plastic, makina ng washing machine, kadena at lumang generator para makagawa siya hydroelectric power sa sapa.
Sa video ng GMA News Feed, napag-alaman na sadyang mahilig mag-recycle ng mga lumang gamit si Ronald Rentino para mapakinabangan pa ang mga ito.
Mula sa sirang wheelchair at makina ng grass cutter, nagawa siya ng go-kart. Nagkaroon din siya ng remote-controlled plane na gawa sa styrofoam.
Ang kanilang bahay-kubo, libre ang ilaw dahil nakagawa siya hydroelectric energy o enerhiyang nakukuha sa tubig.
Gamit ang mga patapong plastic bottle, lumang piyesa ng waching machine, portable generator, kadena, at iba pang piyesa, nagawa ni Rentino ang hydroelectric generator na kayang magpailaw sa 10 bumbilya.
May libre na silang kuryente sa kubo, hindi pa masisira ang kalikasan. Panoorin ang buong kuwento sa video ng GMA News Feed.
--FRJ, GMA News