Wala nang nagawa ang isang ina sa Durban, South Africa kung hindi ang ihulog ang kaniyang anak na dalawang-taong-gulang at umasang masasalo ng mga tao matapos masunog ang gusali na kanilang kinaroroonan.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ng 26-anyos na ina na si Naledi Manyoni, na nasa ika-16 na palapag sila ng gusali nang magsimula ang sunog.
Kaagad siyang bumaba ng hagdan kasama ang kaniyang anak na si Melokuhle.
Nakarating ang mag-ina sa gatla ng umuusok na gusali na tanaw na ang mga tao sa kalye.
Dito na nagpasya si Naledi na magtiwala sa mga tao na nais silang tulungan.
Inihulog niya ang anak sa taong nakaabang para saluhin ang bata.
Mapalad ang mag-ina na parehong nakaligtas.
"After throwing her, I held my head in shock, but they caught her," ani Naladi. "She kept saying, 'Mama you threw me down there.' She was scared."
Ang tanging nasa isip daw niya nang sandaling iyon ay makaligtas ang kaniyang anak.
"What was important was for my daughter to be out of that situation... I couldn't escape alone and leave her behind," pahayag ng ina.
Nahaharap ngayon sa matinding krisis ang South Africa dahil sa nagaganap na naguluhan at looting matapos na mabilanggo ang dati nilang pangulo na si Jacob Zuma dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Nagsimula ang protesta sa lalawigan ni Zuma sa KwaZulu-Natal, at sumunod na ang mass looting, arson at mga riot sa Durban at Johannesburg, ang commercial hub ng South Africa. --Reuters/FRJ, GMA News