Isang organismo na nakabalot sa yelo sa nakalipas na 24,000 taon ang muling buhay at sumailalim sa asexual reproduction matapos makita sa lupaing naka-permafrost sa hilagang-silangan ng Siberia.
Sa ulat ng Reuters, sinabing natagpuan ng mga Russian scientist ang maliit at sinaunang hayop na tinatawag na bdelloid rotifer sa lupang kinuha mula sa ilog ng Alazeya sa rehiyon ng Yakutia sa Russia sa dulong hilaga.
Ang bdelloid rotifer ay isang multicellular na organismo na matatagpuan sa mga tubig-tabang sa buong mundo, at kilala sa kakayahan na matagalan ang matinding lamig.
Base sa mga naunang pananaliksik, kayang mabuhay ng bdelloid rotifer sa loob ng isang dekada kapag nagyelo sa -20 degrees Celsius.
Ang kaso na ito ay idinetalye sa isang pag-aaral sa Current Biology journal, na itinuturing na pinakamahabang panahon na natagalan ng isang nilalang ang nagyeyelong lugar.
Nakuha ang organismo mula sa mga sample na kinuha 3.5 metro sa ibaba ng lupa. Ang materyal ay napetsahan sa pagitan ng 23,960 at 24,485 taon ang nakakalipas, base sa pag-aaral.
Nakapagbigay ng mga nakamamanghang scientific discovery sa loob ng maraming taon ang mga lupang permafrost, kung saan frozen ang lupa sa isang buong taon.
Bago nito, nagawa ng mga scientist na buhayin ang microscopic worms na nematodes na nakita sa mga latak sa dalawang lugar sa hilagang Siberia, na naitalang 30,000 taon na ang tanda.--Reuters/Jamil Santos/FRJ, GMA News