Isang biik na dalawa ang mukha at anim ang paa ang isinilang sa Barangay Nagsupotan, San Juan sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nagulat ang may-ari ng inahing baboy na si Eufemio Alonzo, nang makita ang hitsura ng biik.
Ang biik na dalawa ang mukha at anim ang paa ang ikalimang biik daw na lumabas sa alagang inahin.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga biik na dalawa ang mukha na isinilang pero hindi nabuhay nang matagal.
BASAHIN: Buhay na biik sa Ilocos Sur, 2 ang mukha pero isa ang ulo
BASAHIN: Biik na isinilang sa Siargao, dalawa ang mukha sa nag-iisang ulo
Mula 1991 nang mag-alaga ng baboy, ngayon lang daw nagkaroon ng ganoon uri ng biik si Alonzo.
Kaagad din daw namatay ang biik paglabas nito sa inahin.
Paliwanag naman ni Dr. Celco Gao-Ay, Ilocos Sur Provincial Agriculture, sa nangyari, "Abnormality na nangyayari during the development of fetus. After the fertilization takes place dun na nagkakaroon ng mga ganyan anomaly."
"Puwedeng nagkaroon siya ng allergies, puwedeng naka-inhale din siya ng chemicals o foreign bodies na nag-cause nag-trigger sa fetus para hindi mag-diffuse o mapaghiwalay yung dalawang biik," dagdag niya.
--FRJ, GMA News