Laking gulat ng isang babaeng vlogger nang sunod-sunod na dumating ang mga delivery rider na dala ang mga produktong hindi naman niya inorder na may kasama pang sex toys.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Rosmar Tan, na umabot sa halos P15,000 ang mga produktong dumating sa kaniyang bahay.
Kabilang dito ang milk tea delivery, iba't ibang pagkain tulad ng pizza, shawarma at liempo, kape mga tsitsiryaat, pati sex toys.
"'Madam umorder po ba kayo ng milk tea?' So ako po nagulat na po ako nu'n sabi ko hindi ako o-order kasi nga po meron akong milk tea shop. Paglabas ko po galit na galit nga po 'yung driver [rider]," sabi ni Tan.
Dahil sa awa sa rider, binayaran na lang nila ang mga order na milk tea pero ibigay din ito sa rider. Pero makalipas ang ilan pang minuto, dumating ang iba pang rider na nabiktima.
Isang delivery rider ang nag-text sa numerong umorder sa kaniya at sumagot ito para ipaalam kay Tan na bigyan siya ng P5,000 para itigil ang ginagawang fake booking.
"Bigla pong may nagpa-pop up sa G-mail ko, meron daw po akong order, G-mail ko po talaga, ibig sabihin parang sa akin po talaga siya naka-address, pati address ko, two-door refrigerator worth nasa P4,000. Eh grabe naman," ayon kay Tan.
Ayon kay Police Brigadier General Leo Francisco, Director ng Manila Police District, maaaring makulong ang nanlolokong salarin ng anim na buwan, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Payo niya kay Tan na makipag-ugnayan sa Anti-Cybercrime Division para managot ang suspek sa likod ng panloloko.--Jamil Santos/FRJ, GMA News