Hindi natawa ang mga awtoridad sa Belgium sa April Fool's joke na nag-iimbita sa mga tao na dumalo isang park party at concert kahit pa may nararanasan silang COVID-19 crisis. Ang naturang party invite, idinaan sa Facebook.
Sa ulat ng Reuters, sinabing hindi binalewala ng mga awtoridad ang prank invite matapos na umabot sa 20,000 ang nagpahayag ng interes na dumalo sa tinawag na "La Boum," o "The Party" sa French.
Dahil sa COVID-19 crisis, ipinagbabawal pa rin sa naturang bansa ang malakihang pagtitipon tulad ng concert.
Nagpaalala naman ang pulisya na hindi totoo ang party.
“No authorization has been given for a party and the police will be there with a reinforced presence,” anunsyo ng pulisya sa kanilang tweet.
Nakasaad sa pekeng imbitasyon na may dj, may mga sikat na music celebrities ang dadalo, at magiging magdamagan ang party.
Kilala ang parke na nakasaad sa pekeng invite at pinupuntahan talaga ng mga tao.
Ang ilan, sinabing batid nilang prank lang ang imbitasyon pero pumunta pa rin sila. Ang isa, sinabing pumunta siya sa parke para salungatin ang utos ng mga pulis na huwag pumunta.
Iniimbestigahan na mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng prank invite, na pinalitan na ngayon ng petsa para sa susunod na taon.--Reuters/FRJ, GMA News