Laking gulat ng ilang residente nang makita nila kamakailan ang pagbulwak ng tubig na hanggang 50 talampakan sa gitna ng Chico River sa Tabuk, Kalinga. Isa nga kaya itong geyser o singaw at posible kayang bulkan na nasa ilalim ng ilog?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ng isang residente na nagtungo sila sa tabi ng ilog para bisitahin ang kanilang mga alagang hayop.
Hindi nagtagal, nakarinig sila ng malakas na pagsabog na nasundan ng pagbulwak ng tubig sa gitna ng ilog na umabot sa 50 talampakan ang taas.
Bukod sa bulwak ng tubig, napansin din ng mga residente na tumaas ang antas ng tubig sa mismong ilog na lalo nilang ikinabahala.
Tumagal daw ang pagbulwak ng tubig ng hanggang tatlong araw.
Mayroon nga kayang bulkan sa ilalim ng ilog? Alamin ang paliwanag dito ni Dr. Renato Solidum ng Phivolcs. Panoorin ang video na itong "KMJS."
--FRJ, GMA News