Pinosasan, pinadapa sa snow, at ginamitan ng pepper spray sa mata ng mga pulis sa Rochester, New York ang isang batang babae na siyam na taong gulang.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing rumesponde ang mga pulis batay sa sumbong na mayroong batang babae na nagsasabing gusto niyang patayin ang kaniyang ina at wawakasan din ang sariling buhay.
Pero nang dumating ang mga pulis, tumakbo palayo ang bata hanggang sa maabutan siya.
Nagpupumiglas ang bata at sumisigaw na nais niyang makita ang kaniyang ama.
Puwersahan siyang pinadapa sa snow at saka pinosasan.
Patuloy ang pag-iyak ng bata na pakawalan siya at gusto niyang makita ang kaniyang ama.
Ngunit lalong nagpumiglas ang bata nang sapilitan siyang isakay sa mobile patrol at idinadaing din ang labis na lamig dahil sa snow sa kaniyang kasuotan.
Doon na nagbanta ang mga pulis na gagamitin siya ng pepper spray, hanggang sa itinuloy ang kanilang banta sa bata.
Dahil naka-posas ang mga kamay, umiiyak na nakiusap ang bata na punasan ang kaniyang mahapding mata pero isinara lang ng mga pulis ang pinto ng sasakyan.
Dadalhin umano ng mga pulis sa ospital ang bata.
Iginagalit ng ilang grupo, kabilang ang Black Lives Matter ang paraan ng pag-"aresto" sa bata at kanilang kinondena.
Nagsasagawa na raw ng imbestigasyon ang pamunuan ng pulisya tungkol sa nangyaring insidente.
Noong Marso 2020, inimbestigahan din ang Rochester police department dahil sa pagkamatay ni Daniel Prude, na hindi nakahinga dahil sa inilagay na takip sa kaniyang ulo nang arestuhin.
Nasibak sa puwesto ang hepe ng police department dahil sa nangyari kay Prude.--FRJ, GMA News