Inilunsad ng Bangko Central ng Pilipinas (BSP) ang P5,000 Lapu-Lapu commemorative bank note at medal.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ang pagkakatampok sa datu ay bilang paggunita sa ika-500 anibersaryo ng "Victory at Mactan" sa Abril 27.
Sa bank note, makikita ang imahe ni Lapu-Lapu, ang Battle of Mactan, pati na ang Karoaka o sinaunang war ship na ginagamit noon ng mga Pilipino.
Tampok din ang imahe ni Lapu-Lapu sa commemorative medal, na hango sa Lapu-Lapu Shrine sa Cebu.
Sa likod ng medal makikita rin ang imahe ng Battle of Mactan at ang petsa nito na Abril 27, 1521.
Gayunman, hindi isasama ang naturang salapi sa sirkulasyon ng mga pera sa bansa. Maglalabas din ng abiso ang BSP kung papaano mabibili ang P5,000 Lapu-Lapu commemorative bank note at medal.
Sinabi ng BSP at National Quincentennial Committee na pagdiriwang ito ng kabayanihan nina Lapu-Lapu at ng kaniyang mga mandirigma.
Bukod dito, paraan din ito para maging pamilyar ang bagong henerasyon sa mayamang kasaysayan ng bansa.--Jamil Santos/FRJ, GMA News