Kahit madalas ang shark attack sa Australia, hindi nagdalawang-isip ang isang 11-anyos na babae na sagipin ang isang baby shark na nakulong sa mga batuhan nang magkaroon ng low tide.
Sa ulat ng Reuters, makikita ang batang si Billie Rea na kinuha ang maliit na pating mula sa tubig at kaniyang binitbit para dalhin sa mas malalim na bahagi ng dagat.
“I’ve got a shark,” sabi ni Billie nang sagutin ang kaniyang ina na madidinig sa video na nagtatanong nang ipinost ito sa social media.
Nakunan ang video sa Kingston Beach, Tasmania, at isang baby draughtboard shark ang nakita ng bata.
“It’s alright, it’s alright,” binabanggit ni Billie sa baby shark habang lumilipat siya sa batuhan para pakawalan niya ito sa mas malalim na tubig.
Hindi naman umano mapanganib ang draughtboard shark na bottom feeder at mabagal kumilos.
“As soon as it came into view, I knew what it was and I knew that it couldn’t hurt her,” sabi ng inang si Abby Gilbert sa Australian Broadcasting Corp.
“You saw in the video just how calm she is, and I feel like that animal felt so safe with her,” dagdag niya.-- Reuters/FRJ, GMA News