Para maipadama pa rin ang diwa ng Pasko kahit may pandemya, naisipan ng isang pamilya sa Baliwag. Bulacan na ituloy ang kanilang tradisyon na punuin ng Santa Claus ang loob at labas ng kanilang bahay.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita na sa gate pa lang ng bahay at hanggang sa bubungan ay mayroong Santa Claus ang bahay ng pamilya Samson sa Barangay Makinabang.
Ang mga taong dumadayo sa bahay ng mga Samson, masayang nagpapakuha ng larawan katabi ang isang malaking Santa na nakaupo sa labas ng bahay.
Sa loob naman ng bahay, makikita rin ang iba't ibang histura ni Santa.
Kuwento ni Leticia Samson na may-ari ng bahay, taong 1988 nang simulan ng kaniyang asawa na mangolekta ng Santa Claus.
Nang pumanaw ang kaniyang mister, ipinagpatuloy niya ang tradisyon upang makapagpasaya ng mga tao.
At kahit may pandemic, itinuloy pa rin nila ang tradisyon para maramdaman pa rin ng mga tao ang diwa ng Pasko.
Samantala, itinuloy naman sa Tarlac ang taunang Belenismo kung saan makikita ang iba't ibang belen mula sa iba't ibang bayan ng lalawigan.
Ngayon taon, "To Heal As One" ang tema ng Belenismo bilang pagpupugay sa kabayanihan ng mga health frontliner ngayong may pandemya.--FRJ, GMA News