Dalawang babae na nagka-kayak sa California ang masuwerteng nakaligtas sa bunganga ng isang dambuhalang humpback whale.
Sa video ng GMA NewsFeed, sinabing nagwe-whale watching sina Liz Cottriel at Julie McSorley, na sakay ng kayak nang biglang sumulpot ang kumpol ng mga isda sa kanilang lugar.
Sinundan umano ng balyena ang mga isda at natiyempong lumundag mula sa dagat sa kinaroroonan ng magkaibigan.
Bumaliktad ang kayak at napunta umano sa ilalim ng dagat ang dalawa.
Pero nakaligtas sila at sinabing hindi naman sila talaga tinangkang lamunin ng balyena at hindi rin sila sinaktan nito.
Itinuturing ng mga awtoridad sa California na masuwerte ang magkaibigan dahil hindi sila napahamak.
May mga insidente umano na nadidisgrasya ang mga katulad nilang nagwe-whale watching dahil nadadaganan sila ng balyena, tulad nang nangyari noong 2015 kung saan Canadian ang nasawi.
Kaya payo ng mga awtoridad sa mga naka-kayak at nagwe-whale watching, huwag lalapit sa mga balyena. --FRJ, GMA News