Iniutos ng komite ng House nitong Biyernes ng gabi ang paglipat kay Zuleika Lopez, chief of staff ng Office of the Vice President, mula sa detention facility nito patungong Correctional Institution for Women.

Ito ay ayon sa isang kopya ng order na naka-address kay House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas at pirmado ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Manila Representative Joel Chua na ibinahagi ng OVP sa media.

Pumasok ang mga tauhan ng Legislative Security Bureau sa kuwartong kinaroroonan ni Lopez para basahin ang nasabing utos ng House committee.

Binasa ng House officials ang transfer order una sa harap ni Lopez ngunit hiniling nito na dapat nandoon ang abogado niya.

Nang dumating si Vice President Sara Duterte sa custodial facility — bilang abogado ni Lopez — ay binasa ulit ng mga tauhan ng Legislative Security Bureau ang transfer order.

Hindi pumayag sina Duterte na mailipat si Lopez sa CIW.

Kasunod nito, nagdaos ng isang press conference via Zoom si Lopez at inalmahan niya ang utos na ilipat siya sa CIW sa gitna ng gabi.

Kuwento niya, siyam na tao, kasama ang mga pulis, ang dumating sa detention room para i-serve ang transfer order, ngunit hindi siya pumayag.

''This is a threat to my life,'' aniya.

Tuloy-tuloy ang pag-iyak ni Lopez at makalipas ang ilang oras ay may dumating na ambulansiya ng Philippine National Police nitong Sabado ng madaling araw.

Isinakay si Lopez sa ambulansiya ng PNP at itinakbo siya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City. Ito ay matapos na magsuka nang magsuka at mag-collapse si Lopez.

Inilipat din mula VMMC si Lopez sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City matapos ang isang komosyon. Hinarang kasi ng mga pulis ang ambulansiya kung saan sakay si Lopez na patungo na sa SLMC.

House committee

Paliwanag naman ng House Committee on Good Government and Accountability, nagdesisyon silang ipa-transfer si Lopez dahil sa security risk.

 

"Ang isa sa aming napag-usapan ay 'yung security risk, hindi lamang ng ating HOR [House of Representatives], pati ng ating VP," ani Chua.

"Ito po kasing situation is emergency situation dahil security risk na po ang pinag-uusapan natin dito. Hindi naman natin pwedeng hintayin pa na mag-Lunes," dagdag niya.

Ang "interference" daw ni Duterte "demonstrates blatant disregard for institutional authority and due process, setting a dangerous precedent for abuse of power...VP’s blatant interference in the lawful order of the committee and her abuse of privilege represent an unprecedented attack on institutional processes," ayon sa komite.

Nang tanungin kung posibleng magsampa ng reklamo ang House laban kay Duterte dahil sa umano'y pagharang sa transfer order, sabi ni Taas ay: "I believe our lawyers in the House are already studying that so I'm not in the position to give a response."

Contempt

Iniutos ng House ang pagdetine kay Lopez matapos siyang ma-cite in contempt dahil umano sa kanyang "undue interference" sa pag-imbestiga ng House committee sa confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd) noong kalihim pa nito si Duterte.

Ang detention order ay hanggang Nov. 25, ang petsa ng susunod na hearing ng komite tungkol sa confidential funds ng OVP at DepEd.

Sa hearing ng komite nitong linggo, inamin ni Lopez na siya ang pumirma sa sulat na ipinadala sa Commission on Audit, na nagre-request na huwag itong sumunod sa House subpoena tungkol sa audit reports sa mga fund releases.

Noong Miyerkoles, sinabi rin ni Lopez sa House hearing na wala siyang alam kung paano ginagamit ng OVP ang confidential funds nito. Ang papel lang daw niya sa OVP ay pangasiwaan ang institutionalization at implementation ng mga socioeconomic projects nito. —KG, GMA Integrated News