Sa isang training facility sa Antipolo, Rizal, sinasanay na ang ilang mga aso para makaamoy at matukoy kung COVID-19-positive ang isang tao. Maging epektibo rin kaya ang mga aso, at may posibleng panganib ba para sa kanila sa ginagawang pagsasanay?

Sa ulat ni MJ Geronimo sa Stand For Truth, sinabing sinasanay na ng isang K-9 training at services company ang ilan sa kanilang mga aso na mag-amoy ng face masks ng mga nagpositibo sa virus.

Sa isang booth, kinokolekta ang face masks ng mga taong sumailalim sa swab o rapid test, saka ito dadalhin sa isa pang booth para amuyin naman ng mga aso.

Matapos nito, ikukumpara ang resulta ng detection ng mga aso sa resulta ng swab o rapid test.

Bukod dito, sinasanay din ang mga aso na hanapin ang mask ng COVID-19 patient mula sa mga kahon.

Gayunman, may pag-aalala pa rin kung ligtas para sa mga aso ang ginagawang pagsasanay, base na rin sa natanggap na mga ulat ng US Department of Agriculture na may ilang aso at pusa na nagka-COVID-19 mula sa kanilang mga amo.

Pero paglilinaw ni infectious disease expert Dr. Ferdinand de Guzman, maaaring maging ligtas ang mga aso sa COVID-19 kung inaamoy lang nila ang mga tao nang may distansiya.

"I think it's possible to train dogs by sniffing. Kung puwede po nating gamitin ang ibang mga aso to sniff drugs without direct contact, maaamoy lang 'yung scent, 'di ba nasusundan nila 'yan? If they are being trained, I think it would be possible without harming these dogs," sabi ni De Guzman.

Nitong Sabado, umabot na sa 393,961 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa. —Jamil Santos/KG, GMA News