Nabigla ang isang lalaki matapos niyang makita ang isang malaking gagamba na nagtatago sa ginagamit niyang headphone sa Perth, Australia.
Sa Instagram post ng Australyanong si Olly Hurst, na mapapanood sa video ng GMA Public Affairs, sinabi niyang hinubad niya ang kaniyang headphone nang may maramdamang tila kakaiba sa loob nito.
At nang silipin, nakita niya ang isang nakatagong "Huntsman" spider sa loob ng headphone.
"I absolutely knew I could feel something tickling my ear," saad ni Hurst.
Tinaktak ni Hurst ang kaniyang headphone para umalis ang gagamba, pero nanatili pa rin ito sa loob.
"He doesn't want to come out. He is happy in there," anang Australyano.
Sa halip na dalhin at gamitin pa ang headphone, nagpasya si Hurst na itinapon na lang ito.
Native sa Australia ang mga huntsman spider.
Bagaman mayroong venom o kamandag, hindi naman mapanganib ang naturang gagamba at posibleng magdulot lang ng pangangati ang kanilang kagat.
Ayon sa ulat ng GMA Public Affairs, madalang na umatake ang mga huntsman spider at mas madalas na tumatakbo lang o nagtatago ang mga ito.
Mga insekto rin ang kinakain ng huntsman spider at kaya nilang kainin ang mas malalaki sa kanila.
Katulad na lamang sa isang video sa India kung saan kinain ng gagamba ang isang palaka.
Viral din sa Tiktok ang pagkain ng isang huntsman spider sa butiki.
Dalawa hanggang tatlong uri naman ng huntsman spider ang matatagpuan sa Pilipinas, na kung tawagin dito ay "banana" spider.
Ang mga huntsman spider na makikita sa bahay ay kumakain ng ipis.-- FRJ, GMA News