Masyado tayong abala sa maraming bagay subalit wala namang katuturan sa mata ng Panginoon (Lk. 10:38-42).

Dahil sa sobrang pagiging abala natin sa maraming bagay, minsan ay nakalilimutan na natin ang mga gawain na mas mahalaga para sa ating espiritwal na pangangailangan.

Kung minsan nga, maging ang mga obligasyon natin sa ating pamilya at mga mahal sa buhay ay ating nakalilimutan.

Ganito ang tema na ating mababasa sa Mabuting Balita (Luke 10:38-42) tungkol sa magkapatid na Martha at Maria, na binisita ni Jesus at ng mga Disipulo sa kanilang bahay.

Sa kuwento, masyadong naging abala si Martha sa paghahanda at sa kung anu-ano pang bagay. Subalit ang kapatid niyang si Maria, mas pinili ang maupo sa paanan ni Jesus para makinig sa mga pangangaral ng Panginoon.

Sinabi ni Jesus kay Martha na masyado siyang nag-aalala at naliligalig sa maraming bagay gayong isang bagay lang naman ang mahalaga; At iyon ang pinili ni Maria at ito'y hinding-hindi makukuha ng iba sa kaniya.

Ilan kaya sa atin ang kagaya ni Martha? Mga taong masyadong naliligalig at nag-aalala sa maraming bagay.

May mga taong walang pahinga para yumaman at laging nag-aalala na baka mawala ang kanilang salapi. Nag-aalala na baka pinagnanakawan sila ng kanilang mga tauhan at tangayin ang kaniyang ari-arian.

Wala namang utos ang Diyos na tayo ay magpakapagod at magpakayaman kahit pa isakripisyo ang sariling kalusugan at mawalan na rin ng panahon sa sariling pamilya.

At kapag ka naman nagkaproblema sa mga bagay na nilikha, hindi ba't sa huli ay tayo rin ang nagdurusa sa kakaisip ng mga solusyon?  Para lang tayong kumuha ng batong ipinukpok sa ating ulo.

Kagaya ni Martha na pinuna ni Jesus na masyadong abala sa napakaraming bagay, nakakalimutan natin na may mga bagay na mas kailangan nating pag-ukulan ng panahon. Una-una ay ang paglalaan ng oras para sa ating Panginoon, at ang pangalawa ay ang oras para sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.

Hindi na natin kinakausap ang Diyos kahit saglit lang. At may mga pagkakataon din na halos hindi na natin nakakausap at nakakapiling ang ating pamilya.  Pero sa paglilibang, sa trabaho at sa iba pang bagay na iniisip natin magpapayaman at magpapasaya sa atin, napakarami nating oras. 

Ang nakatatawa nito, sa panahon na masaya tayo ay wala tayong oras sa Diyos, pero kapag nahaharap na tayo sa mabigat na problema, kahit anong abala natin ay nakakagawa na tayo ng paraan para magpunta sa Simbahan upang manalangin at humingi ng tulong sa Kaniya. Kung minsan nga, titigil pa sa kahit anong ginagawa sa kahit saang lugar para lang magdasal.

Nagkakaroon lamang tayo ng oras kapag kailangan natin Siya. 

Tandaan natin na ang lahat ng materyal na bagay na pinagkaka-abalahan natin dito sa lupa (tulad ng ginagawa ni Martha) ay maaaring natin pakikinabangan sa oras na bawiin ng Panginoon ang ating hiram na buhay. 

Hindi itatanong ng Diyos kapag humarap na tayo sa Kaniya kung gaano tayo kayaman at gaano karami ang ating salapi; sa halip ang itatanong Niya ay paano natin trinato ang ating kapwa at kung paano tayo nabuhay bilang mga Kristiyano.

Ipinapaalaala ng Ebanghelyo ang isang bagay na kailangan natin bigyan ng importansiya gaya ng ginawa ni Maria na dadalhin natin hanggang sa kabilang buhay, at ito ay ang pamumuhay nang naaayon sa kalooban ng Panginoong Diyos at pagsasabuhay sa Kaniyang mga salita at aral.  AMEN.

--FRJ, GMA News