Hinihinalang may kinalaman ang sangkatutak na kuto sa pagkamatay ng isang 12-anyos na batang babae sa Georgia, U.S.A.
Sa ulat ng New York Times, kinilala ang biktima na si Kaitlyn Yozviak, taga-Ivey, na nasawi noong Agosto 26.
Inilahad ng mga doktor na sumuri kay Yozviak na sapat na ang matinding pamemeste ng mga kuto sa kaniyang ulo dahilan para ikamatay niya, ayon sa imbestigasyon ng Georgia Bureau of Investigation.
Isinaad na cardiac arrest ang ikinamatay ni Yozviak at pangalawa ang severe anemia, na resulta ng palagiang pagkagat sa kaniya ng mga kuto kaya bumaba ang iron sa kaniyang dugo, ayon kay Brent Cochran, senior assistant district attorney ng Ocmulgee Judicial Circuit.
Inaresto naman ang kaniyang mga magulang na sina John Joseph Yozviak, 38, at Mary Katherine Horton, 37 at kinasuhan ng second-degree murder at cruelty to children in the second degree.
Sa batas na naipasa sa Georgia noong 2014, nakasaad na maaaring isampa ang second-degree murder sa sinomang tao kung may ebidensiya na namatay ang isang bata dahil sa kaniyang kapabayaan habang nasa ilalim ng kaniyang pangangalaga.
Napag-alaman ni Cochran na problema na ang mga kuto sa pamilya ng biktima "for three years on an on-again, off-again basis.”
Nalaman pa ng mga awtoridad na may kuto maging ang ina ni Yozviak, na sinabi sa mga imbestigador na mahigit isang linggo nang hindi naliligo ang kaniyang anak.
Dumalo sa pagdinig ang mga magulang ni Yozviak sa Wilkinson County Superior Court nitong nakaraang linggo.
Sa pagdinig, pinatotohanan ng isang state investigator na “very unclean” ang tahanan nila at makikita pa ang mga kuto sa kama ng bata, sabi ni Cochran.
Sa ilalim ng batas sa Georgia, hindi na kailangan pang patunayan ng prosekusyon kung may intensyon ang mga magulang na patayin ang kanilang anak, kundi kailangan lamang nilang patunayan na nagkaroon ng kapabayaan sa pag-aalaga.
“Based upon the fact that the lice was untreated, they have enough to show negligence,” sabi ni Bridgette Baldwin, law professor sa Western New England University.
Sinabi ni Alejandra Perotti, professor ng invertebrate biology sa University of Reading sa England, na maaaring magdala ng mga nakamamatay na bateria ang mga kuto sa katawan o body lice, pero kailangan naman ng mga kuto sa ulo o head lice ng isang live host para sumipsip ng dugo.
“That lice would kill you is an exaggeration,” ani Perotti.
Maituturing na "severe" ang lice infestation sa isang tao kung madami na ang itlog ng mga kuto kada hibla ng buhok.
"A severe louse infestation on a person who died typically coincides with serious neglect and as a consequence of this neglect, a general deteriorating health condition,” ayon kay Perotti.
Para naman kay Dr. Mary Groll, pediatrician at professor ng health sciences sa North Central College sa Naperville, Illinois, may ilang kaso na ng mga bata na may severe lice infestation na naospital dahil sa mabababang lebel ng anemia.
Bago pa maipanganak si Kaitlyn, inilipat na sa pangangalaga ang dalawang anak na lalaki ni Horton sa kanilang lola na si Anna Horton.
Ayon sa nakatatandang si Horton, napag-alaman ng State Division of Family and Children Services na sadyang marumi ang tahanan ng kaniyang anak na si Mary Katherine.
“The shock was overwhelming,” anang lola. “I’ve lost two people in the space of a minute.”
Nakatakdang magdesisyon ang grand jury kung uusad ang kaso, sa pagpapatuloy ng mga prosecutor sa pag-reassess sa reklamong isinampa sa mga magulang.
Inaasahan ding matukoy ng mga medical examiner ang opisyal na dahilan ng pagkamatay ng bata, ayon kay Cochran.--FRJ, GMA News