Matapos ihayag ni Senate Finance committee chairman Sonny Angara na handa siyang makipagpuyatan sa deliberasyon sa Senado, biniro siya ni Senate President Vicente Sotto III, na nakasuot na kasi siya ng pajama habang nasa bahay.

Kabilang si Angara sa mga senador na dumadalo sa sesyon sa pamamagitan ng video conference, habang nasa plenaryo naman ng kapulungan si Sotto.

Nang sandaling iyon, inihayag ni Angara na handa siyang makipagpuyatan kung kailangang pagdebatihan ang franchise bill sa gagawing pagtatayo ng Bulacan airport at ang corporate tax income reform bill.

"Your question of [whether] we are willing to stay should be addressed to the eight of us who are here [in the session hall]. I'm sure Senator Sonny Angara is joking when he said he can stay up until early this morning because he's already in pajamas," sabi ni Sotto kay Senador Grace Poe, na sponsor ng franchise bill at naka-video conference rin.

 

 

Nagtawanan naman ang mga senador nang ipakita si Angara sa video na nakasuot na lamang ng t-shirt.

"Out of order," sambit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nasa plenaryo rin ng Senado.

Natatawang sinabi naman ni Angara na nakasabit lang ang kaniyang polo at puwede niya itong isuot anomang oras.

"I will not recognize you if you do not put on that... Don't tell me that you come from the West ha," biro pa ni Sotto.

Sandaling nawala sa video si Angara at nang bumalik ay suot na ang polo.

"There you go, there you go," nangingiting pahayag ni Sotto.

Naging abala ang mga senador nitong Lunes dahil sa pagdalo sa apat na pagdinig ng mga komite, bukod pa sa kanilang regular na sesyon sa plenaryo.

Dahil na rin sa COVID-19 pandemic, pinapayagan ang ilang mambabatas na bahay o opisina na lamang manatili at dumalo sa sesyon at mga pagdinig sa pamamagitan video conference para maiwasan ang maraming tao sa plenaryo at maiwasan ang hawahan ng COVID-19.

Kabilang si Angara sa mga senador na nahawahan at gumaling sa COVID-19, kasama sina Koko Pimentel at Zubiri.--FRJ, GMA News