Hindi lang sikmura ang mabubusog sa mga magpapa-deliver ng sushi sa isang restaurant sa Anjo, Japan. Dahil ang pakulo ng may-ari ng sushi restaurant--mga maskuladong delivery man.
Ayon sa ulat ng Reuters, naisipan ng 41-anyos na sushi chef na si Masanori Sugiura, na kunin ang serbisyo ng mga kapwa niya bodybuilder para mapalakas ang benta ng kaniyang restaurant na naapektuhan ng pandemic.
Ang mga bodybuilder, naapektuhan din umano ang kita dahil sa krisis na dulot ng COVID-19.
Ang mga maskuladong bodybuilder ang maghahatid ng sushi sa customer at maghuhubad pa sa kanilang harapan at saka magpe-flex ng muscles.
Kaya naman hindi lang sikmura ng customer ang mabubusog pati na rin ang kanilang mga mata.
Pero siyempre, gagawin nila ang pakulo habang sinusunod ang social distancing.
Umaabot umano 7,000 yen o P3,200 ang "Delivery Macho" service para sa sushi.
Naging epektibo naman ang pakulo ni Masanori dahil mula nang mag-viral ang mga maskuladong tagahatid ng sushi, tumaas na ang benta ng restaurant na umaabot umano sa 10 order kada araw, at kumikita ng 1.5 million yen o P700,000 bawat buwan. —FRJ, GMA News