Ipinagbabawal na ng lokal na pamahalaan ng San Juan City ang mga dugyot na ugali sa mga pampublikong lugar tulad ng pagdura, pagsinga, pag-ihi at pagsuka, bilang pag-iingat pa rin sa pagkalat ng COVID-19
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang mga mahuhuling lalabag ay pagmumultahin ng P500 sa unang pagkakataon; P2,000 sa ikalawang pagkakataon; at P5,000 na may kasamang seminar sa ikatlong pagkakataon.
“’Yun na nga ang mismong iniiwasan natin. ‘Yung body fluids na galing sa isang tao na posibleng infected ng COVID-19,” paliwanag ni San Juan Mayor Francis Zamora sa pagdepensa sa ordinansa.
Kung hindi umano maiiwasan o mapipigilan ang pag-ubo at pagbahing, sinabi ni Zamora na kailangang takpan ang bibig at ilong, at magsuot ng face mask kung nasa pampublikong lugar.
Ipatutupad ang naturang ordinansa simula sa Sabado, Setyembre 6.
Lalagyan naman daw ng body camera ang mga kawani na magpapatupad ng ordinansa.
“Makakatulong para sa mas maayos na implementasyon ng ating mga ordinansa. Para wala nang room for interpretation, no? Kung totoo bang nagkasala o hindi,” paliwanag ni Zamora.--FRJ, GMA News