Matapos mawala ang isang surfboard sa Hawaii noong 2018 nang tangayin ng malaking alon, napadpad ito sa Sarangani, Davao Occidental at napasakamay ng isang guro. Ngayong malaman na ng may-ari na nakita na ang paborito niyang surfboard, bawiin pa kaya niya ito?
Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” episode, ikinuwento ng may-ari ng surfboard na si Doug na nawala niya ang gamit habang nagsu-surfing sa Waimea Bay sa Hawaii noong 2018.
“It was the biggest day of surf I’ve ever experienced,” sabi Doug. “I fell on a wave and the board came off my leg. I climbed all the way across the rocks as far as I could to see if I could find it and I couldn't.”
Kulay asul at may disenyo na elepante ang surfboard, at pangalan ng gumawa nito ng si Lyle Carlson.
Nag-post si Doug ng larawan ng surfboard sa kaniyang mga social media account sa pagnanais niyang makitang muli ang kaniyang paboritong gamit.
Pero lumipas ang panahon na wala siyang natanggap na balita.
Hanggang sa makita ng isang mangingisda sa Saranggani ang surfboard at ibinenta sa guro na si Giovanne sa halagang P2,000 para gawing libangan.
“Love ko talaga ‘yung surfing. At saka may anak din ako na baka in the future gusto nila ng ganitong sport,” ayon kay Giovanne.
Sa pagnanais ni Giovanne na alamin ang ilang detalye tungkol sa surfboard, nakita niya ang larawan ni Doug na may hawak din ng katulad niya surfboard bagaman magkaiba na ang kulay dahil kumupas ang nasa kaniya.
“May logo kasi itong elephant tapos may pangalan na Lyle Carlson. So siya ‘yung una kong ni-search sa Facebook, tapos nakita ko doon sa profile niya may hawak siyang surfboard,” kuwento niya.
Hanggang sa magkaroon sila ng komunikasyon ni Doug sa pamamagitan ng Facebook chat at makumpirmang ang surfboard na hawak ni Giovanne ang nawawala niyang surfboard.
Sa "KMJS," nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na magkapag-usap via online.
Tinanong si Doug kung babawiin pa ba niya kay Giovanne ang paborito niyang surfboard pero nagpasya siyang hayaan na lang ito sa pangangalaga ng guro.
“I was honestly relieved because I didn’t know what happened to my board. And now I know, it is actually pretty amazing,” ayon kay Doug, na gumawa rin ng paraan para tulungan si Giovanne para makalikom ng pondo na pambili ng gamit para sa mga tinuturuang batang estudyante.--FRJ, GMA News