Nahuli-cam ang maaksyong paghabol ng mga tauhan ng Barangay Dela Paz, Pasig City sa isang lalaking nagnakaw umano ng mga halaman.

Sa CCTV footage sa bahagi ng Sterly Street, makikita ang isang tanod na bumaba sa mobile at pinara ang lalaking nakabisikleta.

Hindi siya huminto kaya napilitan ang tanod na itulak ang bisikleta. Pareho silang natumba ngunit nakatakbo pa palayo ang lalaki.

Sinubukan naman siyang habulin ng iba pang mga tanod hanggang sa tuluyan siyang mahuli sa bahagi ng Amang Rodriguez Avenue.

Sa isang pang CCTV footage, makikita ang suspek na biglang nag U-turn sa bahagi ng Camia Street.

Ipinarada ang kanyang bisikleta at maya maya, dali dali na niyang isinalansan ang mga halaman sa kanyang bisikleta.

Masuwerte na lamang at agad daw nakita ng mga CCTV operator ng barangay ang ginagawa ng suspek na isang 25 years old at residente lamang ng kalapit barangay.

“Yung 322 cameras natin, talagang sobrang laking tulong sa peace and order,'' sabi ni Kagawad Jay Santiago.

Nabawi sa suspek ang mga halaman at ang bisikleta na inaalam kung nakaw din ba.

Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag sa camera pero sinabing ibebenta niya sana ang mga ninakaw na halaman.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Pasig City Police Station ang suspek. —VBL, GMA Integrated News