Nagulat at nabahala ang ilang residente sa Barangay Sabang, Tuy, Batangas nang mapuno ng dambuhalang bula ang isang sapa o maliit na ilog sa kanilang lugar nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon sa nag-upload ng mga larawan sa Facebook na si Jolina Barrias, nakita raw ng mga residente ang paglitaw ng napakaraming bula dakong 1:00 ng hapon.

Hindi raw maiwasan na mangamba ang mga tao dahil ngayon lang daw sila nakakita ng ganito karami at kalaking bula.

Wala rin daw silang alam na pabrika sa lugar na malapit sa sapa upang pagmulan nito.

Dati nang ipinaliwanag ng ilang eksperto na ang pagkakaroon ng bula sa isang ilog ay palatandaan ng pagiging marumi na nito.

Ipinaalam na sa mga opisyal ng barangay ang pangyayari sa sapa.

Nais daw malaman ng mga residente kung ano ang dahilan ng paglitaw ng mga bula sa sapa.

Idinagdag ni Barrias sa kaniyang post na may bumisita nang kinatawan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) sa lugar at tila may kemikal umano na itinapon sa sapa na dahilan ng pagbula ng tubig.

Ipasusuri raw ito sa Department of Environment and Natural Resources para malaman kung sino ang dapat managot sa insidente.

Sa ilang FB post, makikita rin na ilang isda ang nakitang namatay sa naturang sapa.--Peewee Bacuño/FRJ, GMA News