Malayo man sa tema ng kaniyang trabaho, hindi nagdalawang-isip ang isang security guard na tulungan ang isang buntis na biglang napaanak sa kalsada sa Taguig City.
Sa "Bright Side" ng GMA News and Public Affairs, sinabing nangyari ang nag-viral na insidente sa isang subdivision sa Taguig City kung saan nagtatrabaho ang security guard na si Nelson Fransicso Atibagos.
Umaga ng Abril 29 nang bumili si Jocelyn at ang asawa niya ng alcohol, nang biglang humilab ang tiyan ng ginang.
Dahil dito, humingi ang asawa niya ng tulong kay Atibagos.
"Nabigla rin ako sa nagawa ko," kuwento ni Atibagos sa ginawa niyang pagtulong kay Jocelyn. "Bale pinahiga po namin si ate doon sa may gilid."
May isang residente rin ang nagpahiram ng kumot at unan para magamit sa panganganak ni Jocelyn.
"Mabilis naman 'yung panganganak ni ate kasi pang siyam na raw iyon. Lumabas na 'yung ulo ng bata tapos tinulungan lang namin," ani Atibagos.
"Naisip ko lang mailigtas silang dalawa," saad pa niya.
Bilang pasasalamat ng pamilya ni Jocelyn, kinuha nilang ninong ni baby Jazmine Riona si Atibagos.
Napag-alaman din na buntis din pala noon ang misis ni Atibagos na nasa Bulacan. Pero dahil nasa Maynila ang kaniyang trabaho bilang security guard at naka-lockdown, hindi niya nasaksihan at nasamahan ang kaniyang asawa sa panganganak.
"Miss na miss ko na nga 'yung mag-ina ko eh," ayon kay Atibagos.
Panoorin ang buong istorya ni Atibagos at iba pang kuwento ng tinatawag na COVID babies, o sanggol na isinilang ngayong may pandemic.--FRJ, GMA News