Umani ng magkakaibang reaksiyon sa netizens ang improvised face mask at face shield ng isang tricycle driver sa Maynila.
Ang face mask ni Mang Nestor Lazaro, gawa sa styropor container, habang water container naman ang face shield.
Kamakailan lang, iniutos ng pamahalaan na bukod sa face mask ay dapat magsuot na rin ng face shield ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan, maging ang mga pasahero, para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Ang ilang netizens na nakakita sa larawan ni Lazaro, nagkomento ng paghanga sa pagiging maparaan ng driver na kilalang katangian umano ng mga Pinoy.
May mga nanawagan din sa pamahalaan na dapat bigyan ng maayos na face mask at face shield ang mga driver para hindi mabawasan ang kanilang kita sa pagbili ng mga gamit na iniuutos ng gobyerno.
May ilang netizens naman ang nagkomento at pumuna na hindi mabisang panlaban sa virus ang mga ginawa ni Lazaro.
Anila, dapat bumili ng tamang gamit ang mga driver sa halip na gastusin lang sa kanilang bisyo tulad ng sigarilyo at alak.--FRJ, GMA News.