Hindi ka man makapupunta sa planetang Mars, puwede namang nakarating sa red planet ang iyong pangalan sa tulong ng National Aeronautics Space Administration (NASA).

Nag-alok muli ang NASA sa mga taong nais na makasama ang kanilang pangalan na dadalhin sa susunod na misyon sa Mars.

Sa mga interesado, kailangan lang na bisitahan ang website ng NASA para sa detalye.

Susuriin ng NASA ang mga ipadadalang pangalan at kapag nakapasa, ilalagay ito sa microchip at isasama sa susunod na biyahe papuntang Mars.

Ang umalis na Mars-bound Perseverance rover nitong Huwebes, mahigit 10.9 milyon na pangalan umano ang dala.

Dahil madami ang interesado na maipadala ang kanilang pangalan sa red planet, muling bubuksan ng NASA ang aplikasyon.

“Since the Mars 2020 opportunity closed, many people have since expressed interest in sending their name to Mars. For those who missed the chance to fly their names on Perseverance, we want to give them the chance to sign up to fly their names on a future mission to Mars,” sabi ng NASA.

Sa ngayon, mayroon na umanong halos isang milyon na pangalan na isinumite at kabilang ang mga Filipino sa mga nagsumite na mahigit 200,000 pangalan.

Sumunod sa mga Filipino sa dami ng nagpadalang pangalan ay nanggaling sa Amerika, India, at Brazil. – FRJ, GMA News