PANUKULAN, Quezon - Masayang ginanap ang house-to-house graduation ng Panukulan National High School (PNHS) sa Panukulan, Quezon nitong Huwebes.

Dahil bawal pa ang maramihang pagtitipon dulot ng ipinatutupad na community quarantine ay naisip ng mga guro ng PNHS na magbahay-bahay na lang sila upang ihatid ang diploma o sertipiko ng pagtatapos ng mga estudyante sa senior high school. 

 

WATCH: Masayang ginanap ang house to house graduation ng Panukulan National High School sa Panukulan, Quezon nitong...

Posted by Peewee C. Bacuño on Thursday, July 23, 2020

 

 

Ayon sa isang guro ng PNHS na si Joseph Joyosa, 41 na Grade 12 student ang miyembro ng graduating class.

Gamit ang isang tricycle na nilagyan ng palamuti ay inisa-isa nila ang tahanan ng mga estudyante.

May sound system din sa tricycle at may musika pa na pang-graduation.

Dalawa lang daw ang available na cap at gown o toga kung kaya’t nagpalit-palitan na lang daw ang mga nagsipagtapos.

Nais daw ng mga guro na maging espesyal ang araw na ito sa mga nagsipagtapos kung kaya’t gumawa sila ng paraan na maisakatuparan ito.

Ang mga estudyanteng may karangalan mula sa ibang grade level at pinuntahan din ng mga guro sa kani-kanilang tahanan upang iabot ang medalya ng pagkilala.

Masayang-masaya ang mga estudyante lalo na ang kanilang mga magulang at mga guro. 

Kasalukuyang nasa modified general community quarantine (MGCQ) ang lalawigan ng Quezon. 

Ayon sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sa ilalim ng MGCQ, bawal lumabas sa bahay ang mga kabataan na wala pang 21 taong gulang. 

Ito ay isa sa mga patakaran ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. —KG, GMA News