Dahil sa liquor ban, kaniya-kaniyang paraan ang ginagawa ng mga nais magpuslit at makalusot sa checkpoint. Sa Pangasinan, sa halip na bangkay, kahong-kahong alak ang nakita sa loob ng ataul na isinakay sa isang karo.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Ortas" nitong Miyerkoles, sinabing sinita ng mga pulis ang karo sa Binmaley, Pangasinan dahil tinangka ng driver nito na umiwas sa kanilang checkpoint.
"Upon checking ng vehicle, ito'y naglalaman ng mga kahon ng 2 by 2. Alam naman natin sa panahon ngayon ay liquor ban pa rin," sabi ni Police Lieutenant Colonel Brendon Palisoc, hepe ng Binmaley Police.
Ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Pangasinan kung saan nakapaloob dito ang liquor ban.
Nahaharap sa reklamo ang driver na tumangging magbigay ng pahayag.
Samantalang nabisto naman sa Sal-Lapadan, Abra ang isang ambulansya na may karga ding alak.
Naharang sa checkpoint ang ambulansyang minamaneho ng 41-anyos na si Kennedy Carrio Jr., ayon sa pulisya.
"May nag-tip sa mga pulis na naka-duty sa checkpoint, kaya chineck-up na nila. Tinanong nila kung ano'ng laman ng nasa karton, sabi niya naman ay alak," sabi ni Police Captain Rico Saro, hepe ng Sallapadan Municipal Police.
Nakita sa sasakyan ang kahong naglalaman ng 10 bote ng alak nang buksan ang bintana ng ambulansya
May liquor ban din sa Abra na nasa ilalim ngayon ng general community quarantine.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang driver na hindi rin nagbigay ng pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA News