Ipinagbibili sa Christie ang isa sa pinakamalaking lunar meteorites o bato na nanggaling sa buwan at napunta sa mundo. Ang halaga nito--$2.49 million, o katumbas ng P125.57 milyon.
Ang naturang bato na mula sa buwan ay may bigat umanong 13.5 kg, may pagka-oblong na parang football, mas malaki sa ulo ng tao.
Pinaniniwalaan na natapyas ang naturang bato mula sa buwan nang makabanggaan ang asteroid o comet, bumagsak sa Sahara desert, at tinawag na NWA 12691.
Ang NWA 12691 ang pinaniniwalaan na ikalimang pinakamalaking piraso ng buwan na nakita sa mundo.
"The experience of holding a piece of another world in your hands is something you never forget," sabi ni James Hyslop, pinuno ng science and natural history ng Christie.
"It is an actual piece of the moon. It is about the size of a football, a bit more oblong than that, larger than your head," dagdag niya.
Mula nang madiskubre umano ang bato sa Sahara, nagpalipat-lipat na ito ng kamay at pinag-aralan. Natiyak naman na galing sa buwan ang bato matapos maikumpara sa bato na iniuwi ng United States' Apollo space missions sa buwan.
"In the 1960s and 1970s the Apollo program brought back about 400 kilograms of moon rock with them and scientists have been able to analyse the chemical and isotopic compositions of those rocks and they have determined that they match certain meteorites," sabi ni Hyslop.
Pambihira umano ang meteorites kaya naniniwala si Hyslop na marami ang magkakainteres na bilhin ang bato.
"We are expecting huge international interest in it from natural history museums... it is a wonderful trophy for anyone who is interested in space history or lunar exploration," saad niya.
May ipagbibili rin umano ang Christie ng grupo ng 13 aesthetic iron meteorites na nagkakahalaga naman ng 1.4 million pounds. -Reuters/FRJ, GMA News