Kahit gabi na at madilim, umaakyat ng bundok sa Burias Island, Masbate ang isang estudyante para makakuha ng malakas na signal ng internet at maipadala ang requirement sa kanilang paaralan sa Maynila.
Sa video na ipinost sa Twitter, makikita si Franz Berdida na nakaupo sa harapan ng laptop habang iniilawan ng kaibigan.
Kuwento niya, nagpupunta siya sa bundok para makakuha ng malakas na signal ng internet simula pa noong Marso 14. Inaabot daw ng 30 minuto hanggang isang oras ang pag-akyat niya para maipadala ang requirments ng pinapasukang paaralan sa Maynila.
"Umakyat ng bundok for finals kahit gabing-gabi na just to pass kasi ayokong ma IP or worse bumagsak," saad niya.
Nakauwi raw siya ng Masbate isang araw bago maideklara ang community quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay Franz, isa lang siya sa maraming estudyante na patuloy na nag-aaral sa kabila ng mahirap na sitwasyon ngayon dahil sa COVID-19.
Dahil na rin sa peligro sa kalusugan ng COVID-19 at ipinatutupad na enhanced community quarantine, maraming klase ang kinansela na.
Ang ibang paaralan, ipinagpatuloy ang klase sa pamamagitan ng online hanggang sa matapos na ang pasukan ngayong taon.—FRJ, GMA News