Dalawang pusa sa New York ang unang kaso ng mga alaga sa Amerika na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Ang tanong, maipasa kaya nila sa tao ang virus?

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng CDC na ang mga pusa na mula sa magkahiwalay na lugar sa New York ay nagkaroon ng mild respiratory illness at inaasahang gagaling sa kanilang sakit.

Hinihinala na nakuha nila ang virus sa kanilang mga amo o kapitbahay. Pero wala umanong katibayan na maipapasa pa nila ang virus sa tao.

“Animals, pets, can get infected. ... There’s no evidence that the virus is transmitted from the pet to a human,” sabi ni Dr. Anthony Fauci, director ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases.

May ilang kaso na umano ng mga alagang hayop ang naitalang nagkaroon ng COVID-19 sa ilang bansa. Ayon sa American Veterinary Medical Association, isang pusa sa Hong Kong nagpositibo sa virus nang walang ipinakikitang sintomas.

Isang pusa rin sa Belgium ang nahawahan ng virus at nagkasakit pero gumaling pagkaraan ng siyam na araw.

Sa Bronx Zoo sa New York, limang tigre at tatlong leon ang nagpositibo rin sa COVID-19, kabilang ang isang tigre na nagkaroon ng ubo, ayon sa Wildlife Conservation Society, na namamahala sa zoo.

“Our cats were infected by a staff person who was asymptomatically infected with the virus or before that person developed symptoms,” ayon sa WCS nitong Miyerkules. “All eight cats continue to do well. They are behaving normally, eating well, and their coughing is greatly reduced.”

Wala naman umanong ipinakitang sintomas ng sakit ang iba pang hayop sa zoo tulad ng mga leopard, cheetah, at puma.

Ang New York City ang epicenter ng coronavirus outbreak sa United States. Pero hindi umano dapat pangambahan ang mga alagang hayop na magkalat ng virus.

“There is no evidence that pets play a role in spreading the virus in the United States,” saad sa pahayag ng CDC. “Therefore, there is no justification in taking measures against companion animals that may compromise their welfare. Further studies are needed to understand if and how different animals, including pets, could be affected.”

Gayunman, ipinayo ng mga awtoridad na ilayo muna ang mga alaga sa ibang tao at ibang hayop, o magpatupad din ng social distance.

Sa pinakabagong pag-aaral na inilathala sa website ng journal Science, lumitaw na ang mga pusa at mga ferret ay maaaring mahawahan ng SARS-CoV-2, ang scientific term sa virus na nagdudulot ng COVID-19.

Pero hindi naman inirerekomenda sa ngayon ng CDC na ipa-test ang mga hayop dahil iilan lang ang kaso ng mga alagang nagpositibo sa COVID-19.

Sa isang pag-aaral naman daw na ginawa ng China nong Enero at Pebrero, lumitaw na posibleng hindi dapuan ng COVID-19 ang mga aso, manok, baboy, at pato.--Reuter/FRJ, GMANews