Ang paa ng manok na kadalasang itinatapon lang, kinukuha ang balat at ginagawang sapatos para magamit sa paa ng tao sa Indonesia.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nag-isip ang 25-anyos na entrepreneur na si Nurman Farieka Ramdhany, mula sa Bandung, Indonesia, ng materyales na paggagamitan sa sapatos na hindi magastos.

Ang ama umano ni Ramdhany ang nagrekomenda na gamitin ang balat sa paa ng manok na may katulad umanong texture at pattern sa balat ng ahas at buwaya.

Taong 2017 daw nang simulan ni Ramdhany at kaniyang ama ang paggamit ng balat ng paa ng manok para sa paggawa ng sapatos na nagkakahalaga ng mula $35 hanggang $140.

Umaabot umano sa 45 chicken feet ang kinakailangan para makagawa ng isang pares ng sapatos.

Matapos nilang balatan ang paa ng manok, ibababad ito sa tina at saka tatahiin.

Nakukuha raw nila ang mga paa ng manok sa mga fast food restaurant at palengke na kadalasang itinatapon lang ang naturang parte ng manok.

“The waste is a lot, that is why we try to process it to get more value from it,” pahayag ni Ramdhany.--Reuters/FRJ, GMA News