Hilaw man o luto, masarap daw lantakan ang dambuhalang mga bulate na nakukuha sa dalampasigan sa Baliangao, Misamis Occidental na kung tawagin ay "sising." Aphrodisiac din daw ang mga ito o nagpapagana sa sex. Pero dahil may babala ng Department of Health na huwag munang kumain ng mga hilaw, ligtas kayang kainin mga bulate na ginagawang kilawin?

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing mas malalaki at mahahabang uri ng bulate ang mga sasing na umaabot ng 15 inches ang haba.

Mahuhuli ang mga sasing kapag low-tide sa buhanginan sa mga bakawan. Pero dahil mabibilis silang kumilos, kailangan agad silang sunggaban.

Ang mga nanghuhuli, kinakain nang hilaw ang mga sasing, pero puwede rin silang lutuin sa iba't ibang putahe tulad ng guisado, kilawin, o ibilad para idaing.

Bukod dito, maaari ding gawing pang-inuman ang kanilang katas, na hinahaluan ng tuba at niyog.

Para sa ilang kumakain ng sasing, mabisa raw ito bilang pampagana sa sex. Sinegundahan ito ng nutritionist-dietician na si Althea Eunice Sun, na sinabing puno ang sasing ng zinc na nagpo-produce ng testosterone o sex hormones.

Dagdag pa ni Sun, meron ding iron ang sasing, na mahalaga sa produksiyon ng red blood cells para sa mga anemic na tao.

Panoorin ang karanasan ng mga taga-Baliangao tungkol sa pagkain ng sasing, sa kabila ng paalala ng mga awtoridad na itigil muna ang pagkain ng raw meat o hilaw sa gitna ng pagkalat ng coronavirus.



--Jamil Santos/FRJ, GMA News