Naging viral ang social media post ng isang babaeng walang mga binti na hindi umano kaagad pinapasok ng security guard sa tanggapan ng Bureau of Internal Revenue sa Calbayog City, Samar dahil umano sa direktiba na bawal papasukin ang mga makikipagtransaksyon nang naka-shorts.
Unang nag-post si Nancy Boroc sa kaniyang Facebook account tungkol sa insidente.
Aniya, sa guard house pa lang ay sinabihan na umano siya ng guwardya na bawal ang naka-short sa loob batay sa bagong memorandum ng tanggapan.
Bagaman may kasama umano si Boroc, siya ang kailangang pumasok sa tanggapan dahil sa kaniya nakapangalan ang SPA (special power of attorney) para sa nilalakad nilang dokumento para sa kaniyang kapatid.
Ipinaliwanag daw ni Boroc ang kaniyang kalagayan na wala siyang mga binti kaya hindi siya makapagsusuot ng pantalon.
Pero nanindigan daw ang guwardya sa naturang kautusan kaya minabuti na lang niyang umuwi muna.
Sa hiwalay niyang video blog sa Youtube, idinukomento ni Boroc ang pagbalik niya sa naturang tanggapan na naka-shorts pa rin.
Sa pagkakataong iyon, sinabi ni Boroc na hindi na siya hinarang ng guwardya at natapos niya ang kaniyang transaksyon.
Hindi raw alam ni Boroc kung bakit biglang nagbago ang pag-iisip ng guwardya.
Sabi pa ni Boroc, ipinost niya ang kaniyang karanasan para maibahagi ang nararanasan ng mga person with disability na katulad niya. Wala raw siyang balak na magreklamo tungkol sa nangyari dahil ayaw din niyang palakihin ang isyu.
Umaasa siya na makatutulong ang kaniyang post para makapagbigay ng edukasyon sa iba at mabigyan ng pansin ang kanilang kalagayan, pati na ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas na Magna Carta for PWD.-- FRJ, GMA News