Bayaning si Lapu-lapu, yes. Isdang lapu-lapu, no.
Ito ang nais na mangyari ng isang kongresista matapos na naghain ng panukalang batas na ibalik sa dati niyang pangalan ang isdang lapu-lapu para hindi na maging kapangalan ng bayaning si Lapu-lapu.
Sa House Bill No. 2223 na inihain ni Lapu-Lapu District Representative Paz Radaza, nais ibalik sa dating pangalan na "pugapo" ang isdang lapu-lapu.
Giit niya, malaking bagay ang ginawang paglaban ng bayaning si Lapu-lapu laban sa mga mananakop na Kastila sa "Battle of Mactan" kaya dapat siyang kilalanin na isang dakilang pinuno at hindi bilang isang isda.
"While we value Lapu-lapu's herios act, it is ironic that his name is also being used to call a fish with scientific name of 'Plectripomus leopardus.' It is inappropriate, defilement, and a violation, even if the fish could be the most sought-after, not only in the Philippines but also in Southeast Asia," ayon sa mambabatas.
Kapag naging batas ang panukala, ipagbabawal na sa buong bansa ang pagtawag sa naturang isda bilang lapu-lapu, at sa halip ay dapat na itong tatawagin na pugapo.
Gayunman, wala namang nakalagay sa panukalang batas na parusa sa sinumang hindi susunod sa naturang panukala.
Nakasaad din na ang National Historical Commission of the Philippines, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Department of Agriculture, ang mga ahensiya na dapat manguna sa pagpapatupad ng nakasaad sa panukala kapag naging batas na ito.-- FRJ, GMA News