Abala ang idinulot ng isang malaking butas sa kalsada matapos mahulog ang gulong ng ilang sasakyan sa Maypajo, Caloocan City.
Sa ulat ni Raffy Tima sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang mabagal na pagtakbo ng isang kotse habang nagmamaneobra sa Mabini Street.
Ilang saglit pa, makikitang tila nahulog ang unahang gulong ng sasakyan. Makikita sa isa pang anggulo ng CCTV ang mas malinaw na mga pangyayari.
Sa mismong araw ding iyon, isang asul na sport utility vehicle (SUV) na gumilid sa kaparehong lugar ang naperwisyo rin ng butas.
May takip ang butas pero kapos kaya hindi rin natatakpan.
Isa ito sa mga box culvert na drainage sa kahabaan ng Mabini Street, kung saan mga walang warning sign ang karamihan. Wala namang takip ang iba.
Kinumpirma ng Metro Manila 3rd District Engineering Office ng DPWH na kanila ang proyekto.
"Supposed to be dapat meron siyang nakapaikot na naka-elevate, at least visible siya sa mata ng motorist. Kaya as soon as malaman namin na ganoon 'yung situation, pinaayos po namin agad kay contractor," sabi ni Engr. Jose Mangulabnan, Project Engineer ng Metro Manila 3rd District Engineering Office.
Sinabi ng mga trabahador sa lugar na nakatakda na silang takpan ang mga butas. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News