Laking gulat ng mga trabahador sa itatayong tulay sa Magallanes, Agusan del Norte, nang bumulwak ang lupa na kanilang hinuhukay at nagliyab nang kanilang sindihan.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes ng gabi, sinabing nagsasagawa ng soil testing ang mga trabahador para sa gagawing tulay na magdurugtong sa Butuan City nang biglang bumulwak ang lupa na makasamang tubig, hangin at putik.
Hindi nagtagal, may bumulwak na rin sa bahagi ng katabing dalampasigan.
Ayon sa drilling operator na nakasaksi sa pangyayari, "Naghukay kami hanggang 66 meters. Tapos, nu'ng pinull-out na namin, doon na namin napansin na parang may kumukulo sa ilalim, parang kumukulong tubig."
Nang subukan ng trabahador na sindihan ang matubig na bahagi ng lupa, nagulat sila nang magliyab ito at hindi na nawala ang apoy.
Base sa paunang pagsusuri ng Department of Energy sa Mindanao, hindi oil deposit kung hindi methane o marsh gas ang sanhi ng pagliyab.
Sinusuri pa nila kung gaano karaming deposito ang naipon sa lupa sa lugar.
Pinagbawalan munang lumapit sa lugar ang mga residente para maiwasan ang disgrasya.-- FRJ, GMA News