Kamuntik na umanong mabingi ang isang 4-anyos na bata dahil tinirahan ng garapata ang kaniyang tainga.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa 24 Oras sa GMA News noong Sabado, nakuha ng bata ang garapata sa kaniyang BFF na aso. Kahit saan umano magpunta ang bata, sinusundan siya nito.
Ayon sa ina ng bata, sinabi umano ng kaniyang anak na mayroong "spider" sa tainga niya.
Akala umano ng ina, nagbibiro ang bata. Nang silipin niya ang tainga, nakita niya ang malaking garapata sa loob.
Kinunan ng ina ng picture ang tainga na may lamang garapata at ini-upload sa social media ang picture upang magsilbi umanong babala sa mga pet lover.
Marami umanong garapata sa batok, likod, at ulo ng aso nila, na maaari umanong nakuha nito sa iba pang mga aso sa labas ng bahay.
Ayon sa ina, hindi pa pinapatingnan sa beterinaryo ang aso, pero kinuskos na umano nila ng bleach ang kanilang buong bahay.
Pahayag ng beterinaryong si Dr. Mitzi Padrinao, bagama't karaniwang nakikita ang mga garapata sa mga aso at pusa, pwede rin daw itong lumipat sa tao.
Maaari rin umano makakuha ng ilang sakit kapag kinagat ng garapata, at magkaroon ng blood parasites sa katawan.
Sa aso, karaniwang dala ng garapata ang iritasyon at posibleng anemia depende sa dami.
Kung sumabay ang pulgas sa garapata, pwedeng magkaroon ng contact dermatitis o allergy galing sa laway ng pulgas.
Dagdag ni Padrinao, "Very fortunate tayo dito kasi ang garapata na nasa Pilipinas is yung Rhipicephalus sanguinesis or yung brown dog tick or yung commonly known na name na garapata. Very rare na mag-cause ng problems.
Mahigpit na bilin ng beterinaryo, "Huwag tirisin ang garapata."
Ang isang garapata umano ay puwedeng magkaroon ng up to 5,000 eggs na pwedeng ma-hatch kahit patay na ang nanay nito.
"Huwag na huwag nilang hahayaan na patayin yung mga great ticks na engorged ng blood kasi yun, meron yung thousands of eggs na pwedeng mag-hatch kahit patay na ang nanay.
"Ilagay lang nila sa any solution such as bleach, fabric conditioner o yung iba sa gaas at doon na lang nila nilalagay at hinahayaan na lang matuyo doon," pahayag ni Padrinao. —LBG, GMA news