Nabulilyaso ang planong pagnanakaw ng ilang kabataan sa isang bahay sa Quezon City nang may makakita sa kanila at binato para mabulabog. Sa pagkukumahog na makatakas, wala silang natangay at sa halip ay naiwan nila ang ilan nilang gamit tulad ng cellphone.


 
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ng may-ari ng bahay na plano sanang pagnakawan ng nasa apat na kabataan sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City, kung papaano nabulabog ang mga kawatan.

"Kumalampag ito, 'yang yero na 'yan. Yun pala sabi nila, sa kabila may tao nga raw may nakita sila dalawang nasa loob, dalawa 'yung nasa kabila. 'Di 'yung mag-ama naman diyan, binato pa ng mug eh 'di nagtakbuhan, nataranta. Doon sumampa na raw sa gate," ayon sa may-ari ng bahay.

Ilang minuto bago mangyari ang bigong panloloob, nahagip ng CCTV ng kapitbahay ang pagdaan ng tatlong lalaking patungo sa bahay ng biktima.

Hindi raw mga residente sa lugar ang mga suspek.

Sa pagmamadaling tumakas, naiwan ng mga kawatan ang dalawang pares ng tsinelas, isang sumbrero at isang cellphone.

Sa cellphone na pinaniniwalaang galing sa isa sa mga suspek, nakita ang video kung papaano pinasok ng ilang kabataang lalaki ang isang establisimyento.

Nang makapasok, inisa-isa ang bawat pinto at tila naghahanap ng puwedeng pakinabangan. May mga larawan din na makikita ang mga kabataan na may hawak na tila baril.

Dinala ang naturang cellphone sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District para ikonsulta ang mga puwedeng gawin.

Dahil wala naman umanong nanakaw sa biktima, sinabi ng pulisya na trespassing pa lang sa ngayon ang maaaring isampang reklamo laban sa mga suspek.

Ipoproseso rin daw ng pulisya ang mga nakitang larawan at video sa cellphone kung makikilala ang mga ito sa rogues gallery.

Aalamin kung saan ang establisimyento na hinihinalang pinasok ng mga kawatan. -- FRJ, GMA News