Magkahalong saya at takot ang nararamdaman ng mga residente sa isang subdibisyon sa Davao City dahil may kasamang apoy ang tubig na lumalabas sa kanilang gripo.
Sa ulat ni Jandi Esteban ng GMA Regional TV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing ikinagulat ng mga residente ng Deca Homes Subdivision sa Barangay Tigatto sa nabanggit na lungsod sa makita ang tubig na umaapoy sa tatlong bahay sa lugar.
Ang residenteng si John Louie Badiongan umano ang unang aksidenteng nakadiskubre na nagliliyab ang tubig nang maipuwesto niya malapit sa gripo ang nakasinding kandila.
"Na-shock ako. Hindi ako maniwala at ginawa ko pa mang paulit-ulit," sabi ni Badiongan, na anim na taon na raw sa lugar.
Hindi naman maalis na mangamba ng ilang residente dahil baka raw magkaroon ng pagsabog.
Kung may nangangamba, may natutuwa rin gaya ng residenteng si Mario Quitor, na ginawang lutuan ang apoy na lumalabas sa tubig.
"Mahal ang gasul kaya dito na lang ako nagluluto para libre," sabi ni Quitor.
Hinihinala naman ng eksperto mula sa Department of Energy, na maaaring may deposit mineral tulad ng natural gas o methane sa lupa sa lugar.
"Yung mga organic materials na na-trap galing sa bundok and then wala siyang malabasan. So organic materials during drilling posibleng na-hit nila ang pocket of gas na nandoon kaya lumabas ang organic material at nahalo sa tubig," paliwanag ni Virgilio Arzadon, Senior Science Research Specialist, DOE-Mindanao.
Nakatakda namang suriin ng DOE ang lugar.
Payo naman ni Arzadon sa mga residente, hayaan na bukas ang pinto o bintana sa kanilang lugar para hindi tumaas ang konsentrasyon ng gas.
"Ang gas kapag na-accumulate siya especially in an enclosed space is possible na mag-increase and concentration niya. By opening ng window at doors may fresh air na papasok para ma-dilute ang gas na nandoon sa loob ng bahay," paliwanag niya.
Kasabay nito, problemado naman ang mga residente kung saan sila kukuha ng malinis na suplay ng tubig dahil amoy gas at naninilaw.
Sinisikap pang kunin ng pahayag ang lokal na pamahalaan at ang nangangasiwa sa water supply sa lugar kaugnay sa insidente.-- FRJ, GMA News