Kinagigiliwan sa Davao City ang matalinong bibe na hindi humihiwalay at laging nakabuntot sa kaniyang amo kahit sa pamamalengke.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video na kasama ng isang lola ang cute na bibe sa loob ng isang tindahan.
Sa loob ng tindahan, nakabantay lang ang bibe sa matanda, at kaagad na sumunod nang lumabas na ang kaniyang amo.
Madidinig sa video ang pagkagiliw at tawanan ng mga tao sa bibe.
Ang mga nakakasalubong ng mag-amo sa kalsada, napapahinto at napapatingin sa kanila.
Ayon sa uploder ng video na si Charie, lagi raw kasama ni lola ang bibe kahit saan siya magpunta.
Marami naman daw alagang bibe ang matanda pero natatangi raw ang naturang bibe na laging kasama ni lola, na parang anak daw ang turing sa kaniyang alaga. -- FRJ, GMA News