Isang kuting na may kondisyon na tinatawag na diprosopus ang buhay na ipinanganak sa Quezon City. Ang naturang hayop, dalawa ang ulo na magkadikit at tatlo ang mata.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing dalawa rin ang ilong ng kuting, tatlo ang mata, tatlo ang bibig. at posible rin na dalawa ang utak.
Ayon sa beterinaryo na sumuri sa hayop, ang kuting ay maaaring may kondisyon na diprosopus at maaaring mabuhay nang matagal depende sa gagawing pag-alaga.
Samantala, nahuli naman sa tambak ng mga basura ang isang ahas sa Dasmariñas, Cavite matapos ang pag-ulan.
Nahuli ang naturang hayop nang magtutulong-tulong ang mga residente.
Mahigit isang dipa ang haba ng ahas na dadalhin sa animal welfare center.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News