Restaurant sa loob ng jeep na dapat sumigaw ng “Darna!” kapag oorder; ihawan na “Fatness First”; at kainang may Chinorvang Nyisig at Buffalo Pakpak Ganern. Ilan lamang ito sa mga kainang hindi ka lang mabubusog, kundi maaaliw din sa kakaiba nilang mga pangalan.
Sa GMA News “Unang Balita,” itinampok ang restaurant ni 2011 Miss Universe third runner-up na si Shamcey Supsup-Lee na "Pedro n' Coi."
Bukod sa puwedeng kumain ang mga kostumer sa loob ng jeep, nakalagay din sa jeepney sign na dapat sumigaw ng "Darna!" kapag tatawagin ang waiter para sa umorder.
"Gusto kasi namin, kung ano 'yung mga uso, ano 'yung very Pinoy pop culture, gusto namin i-incorporate dito. So naisip lang namin na puwedeng Darna kasi isinisigaw talaga si Darna," sabi ni Shamcey.
Kakaiba rin ang mga pangalan ng pagkain ang alok nila na hango sa mga kilalang personalidad.
Katulad ng "Moymoy Palabok" na kinuha sa pangalan mula sa Kapuso comic and singing duo na Moymoy Palaboy.
Mayroon din silang Joey de Lechon, na kuha naman sa pangalan ng komedyanteng si Joey De Leon.
Nakakatakam din ang kanilang panghimagas na deep fried rolls with ube na may kasamang langka ice cream, na pinangalanan nilang Turonton Gutierrez, na nanggaling sa pangalan ng aktor na si Tonton Gutierrez.
Sa Laguna naman, viral ang isang ihawan na may pangalang "Fatness First" na hango sa isang sikat na gym.
Sinabing biro ng restaurant na katabaan muna ang dapat mauna sa listahan.
Ang isang kainan naman sa Carmona, Cavite, nakasulat sa beki language ang menu.
"Actually humingi na lang kami ng tulong du'n sa katabi naming parlor kasi 'yung isang beki do'n friend ng bunso naming kapatid. So nu'ng nag-start up pa lang kami, sinulat namin lahat ng menu namin tapos nagpatulong kami kung paano namin i-ko-convert 'yung naming nu'ng menu namin sa Beki language," saad ni Vernice Mapanoo-Andres, may-ari ng Bekylog.
Sa halip na sizzling pork sisig, Chinorvang Nyisig ang kanilang alok. Mayroon din silang Buffalo Wings na tinawag namang Buffalo Pakpak Ganern!
Tapachinabels naman ang tawag sa kanilang tapsilog, at puwede ring i-order ang Jinihaw na Liempochina na inihaw na liempo.
Pati kanilang dessert, sa beki lingo rin hinango tulad ng Cakeru ni Graham Bell. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News