Mahigit 50 katao sa Indonesia ang nasawi matapos makainom umano ng alak na ginagawa lang sa bahay. Ang naturang alak, natuklasan na may mga nakahalong kemikal tulad ng mosquito repellent.
Sa ulat ng Reuters, sinabing marami pa ang naospital sa Jakarta simula noong nakaraang linggo dahil sa naturang inumin. Hindi naman bababa sa 12 katao ang inaresto nang salakayin ng mga awtoridad ang warehouse kung saan ginagawa ang alak.
Patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kung ang mga nakahalong kemikal gaya ng mosquito repellent ang dahilan ng pagkalason ng mga biktima o ang pamumuno ng methanol sa inumin.
“It was a blend of components not fit for consumption. We are still testing to determine the contents,” sabi ni Trunoyudo Wisnu Andiko, tagapagsalita ng pulisya.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang mga alak na itinitinda sa mga bangketa na gawa rin sa mga bahay-bahay.
Ayon sa ulat, dahil sa mahal ng inuming alak dulot ng mataas na buwis, mayroong pinipili na bumili na lang ng murang alak na ginagawa sa mga bahay-bahay.
Noong 2016, 36 katao umano ang nasawi sa pag-inom ng locally made liquor, ayon sa mga lumabas na ulat.-- Reuter/FRJ, GMA News