Nabigyan ng bagong pag-asa ang asong si 'Cola' na muling makalakad matapos siyang mabigyan ng mga bagong "paa" na katulad ng ginagamit ng mga paralympic athlete. Nawalan ng dalawang paa sa unahan ang aso nang tagain ng samurai ng isang lalaki sa Thailand.

Sa ulat ng Reuters, sinabing tinaga ng lalaki ang mga paa ni Cola bilang ganti matapos na siraan ng aso ang kaniyang pares ng sapatos.

Pero nagkaroon ng pag-asa si Cola na makalakad muli matapos siyang sagipin ng Soi Dog Foundation, isang animal rescue charity.

Nakipag-ugnayan ang foundation sa prosthetic specialist na si Bengt Soderberg, at ginawan si Cola ng kauna-unahang canine "blade-runner," na katulad na ginagamit ng paralympic athletes.

"We get many dogs, cruelty cases, with one or two so badly damaged they take a long time before they learn to trust humans again," ayon kay John Dalley, founder ng Soi Dog Foundation.

Natutuwa si Dalley dahil nagawang magtiwala muli si Cola at nagpakita ng pagmamahal sa tao matapos ang sinapit na kalupitan.

Itinuturing naman na inspirasyon ni Soderberg si Cola.

"I actually think that Cola is part of that changing attitude as well. Because you can see that a dog get a pair of prosthesis and can play around just like any other dog. So it's an attitude change. And when people see that, they say, well, 'if a dog can do that, why cannot I do that," aniya. -- Reuters/FRJ, GMA News