Dahil kilala ang Los Baños, Laguna bilang "home of the famous buko pie," pinailawan na sa lugar ang isang higanteng Christmas tree na hugis cake at buko pie.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing nagbigay-aliw din ang isang "chikiting band" matapos pailawan ang Christmas tree.

Habang kumukuha ng selfie at groufie ang mga residente, tumitigil naman ang mga motorista, na hindi naiwasang mamangha.

Bida pa rin ang mga kilalang pasalubong sa Los Baños.

Sa Pilar, Bataan naman, atraksyon ang isang malaking belen at mga nagliliwanag na parol sa isang tulay.

Habang dumadaan ang mga sasakyan, nagliliwanag din ang mga palamuting parol na tila nakikipagpaligsahan.

Sentro ng atensyon naman ang isang 90-talampakang Christmas tree na pinailawan sa isang plaza sa Alcantara, Romblon.

Binubuo ito ng mga kawayang parol na pinagtulungan ng mga residente.

Paligsahan naman ang mga barangay sa kani-kaniyang Christmas booth at belen, at todo-pa-picture ang mga residente sa mga naggagandahang dekorasyon.

Nagpakitang-gilas din ang mga kabataan sa kani-kanilang sayaw at Christmas carols bago ang pagpapailaw. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News