Nasawi ang isang ginang at dalawa niyang batang mga anak nang madaganan ng isang truck na may kargang lupa na panambak ang sinasakyan nilang van sa Angat, Bulacan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa pamilya noong nakaraang linggo sa matirik na daan sa Barangay Marungko sa Angat.

Nawalan umano ng kontrol ang driver sa kaniyang truck hanggang sa madaganan nito ang L300 van na sinasakyan ng mga biktima.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang ginang na si Angeline Herrera, at mga anak niya na isang anim at 2-taong gulang.

Nakaburol ang kanilang mga labi sa kanilang tahanan sa Barangay Binagbag sa Angat din.

Nakaligtas naman ang kanilang padre de pamilya.

Ayon sa ulat, nagkaroon umano ng pag-uusap ang mga sangkot sa insidente.-- FRJ, GMA Integrated News