Habang papalapit na ang pagtatapos GMA series na "Pulang Araw," patuloy na nakatatanggap ng kapuri si Rochelle Pangilinan sa mahusay niyang pagganap bilang si Amalia Dimalanta-Torres, o Tiya Amalia.

Sa Instagram, nagpasalamat ang Kapuso actress sa mga positibong komento sa kaniyang pagganap, at ipinost ang screenshots ng ilan sa mga ito.

"Thank you sa mga pangmalakasang feedback!" saad ni Rochelle, na unang nakilala bilang mahusay na dancer sa grupong Sexbomb.

"Naramdaman ko na superstar ako haha dami ulit nagpapa-picture and iba't ibang generations!" pahayag ni Rochelle.

Kabilang sa mga markadong eksena ni Rochelle sa serye ang pagiging mapagsamantang tiyahin, na naging biktima ng pag-aabuso ng mga sundalong Hapon o comfort woman.

"Kapit lang kayo sa mga susunod pang mga eksena," paghikayat niya sa mga manonood. "Suportahan pa po natin ang 'Pulang Araw!'"

 

 

Si Amalia ang tiyahin nina Adelina (Barbie Forteza) at Eduardo (Alden Richards), na naging guardian ng dalawa ng pumanaw ang kanilang ina na ginampanan ni Rhian Ramos.

Napapanood ang "Pulang Araw" mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA Prime sa ganap na 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras." Napapanood din ito sa Netflix.

Ang Pulang Araw din ang magiging kauna-unahang TV series ng Pilipinas na ipadadala sa buwan sa pamamagitan ng Lunar Codex's time capsule.

Kasama ito sa Polaris collection, na ipadadala Lunar South Pole region ng buwan sa 2025.

Napili ang "Pulang Araw" na isama sa naturang proyekto dahil sa pagkukuwento nito sa mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa, na bahagi ng nangyari noong World War 2.-- FRJ, GMA Integrated News