Isang babae na binu-bully umano ng kaniyang biyenan kung kailan manganganak dahil sa katabaan at malaking tiyan ang inaresto dahil sa pagdukot sa isang bagong silang na sanggol sa isang ospital sa Davao City.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing tinangay umano ng suspek na si Fulalon Resabal, 39-anyos, ang sanggol sa Southern Philippines Medical Center noong Huwebes.
Naaresto ang suspek at nabawi ang bata nang makilala ng isang security guard si Resabal nang panoorin ang CCTV camera ng ospital.
"Nang makuha niya ang bata sa SPMC, umuwi agad siya sa kanilang bahay," ani police chief inspector Jack Leon Tilcag ng Buhangin Police.
Pahayag naman ni Monawer Arip, security guard ng SPMC, "Nang mabalitaan na may nawawalang bata agad naming vinerify ang CCTV. Kilala ko kasi ang suspek."
Nang maaresto, sinabi Resabal na napilitan lang siyang gawin ang krimen dahil sa pang-aasar daw ng mga biyenan.
"Binu-bully daw siya ng in-laws niya na malaki raw ang tiyan. Bakit daw hindi pa nagsisilang ng sanggol, at palaging tinatanong kung kailan daw manganganak. Kaya ang nasagi sa isip niya na kukuha ng anak ng iba at 'yon ang ipapakita niya sa in-laws niya," ayon kay Tilcag.
Hindi naman nagbigay ng pahayag sa media ang suspek.
Isasailalim siya sa psychiatric evaluation at mahaharap sa reklamong kidnapping.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News