Tuloy sa paggawa ng kasaysayan sa mundo isport, partikular sa tennis ang 19-anyos na Pinay na si Alex Eala matapos na talunin si Iga Swiatek sa kanilang laban, at umusad sa semis ng Miami Open sa Amerika.

Sa kanilang laban nitong Huwebes ng madaling araw (Manila time) sa Hard Rock Stadium para sa quarterfinals match, muling nanggulat si Eala nang talunin niya sa iskor na 6-2, 7-5, si Swiatek.

Dahil sa naturang panalo, umusad na si Eala sa semis, at makakaharap ang 31-anyos na world no.4 na si Jessica Pegula (US), na tumalo naman sa world no. 60 na si Emma Raducanu ng UK.

Nakapasok sa naturang torneo si Eala bilang "wilcard" entry," pero tatlong Grand Slam champions na ang kaniyang pinaluhod patungo sa semis.

Sa Round of 64, sinilat ni Eala ang WTA no. 25 at 2017 French Open titlist na si Jelena Ostapenko ng  Latvia. Sunod naman niyang tinalo ang WTA no. 5 at reigning Australian Open champion na si Madison Keys ng US sa Round of 32.

Wala namang hirap na nakalusot si Eala sa Round of 16 at nakapasok sa semis nang umatras sa laban si Paula Badosa ng Spain dahil sa injury.

Dahil sa tagumpay ni Eala, tumaas na ang kaniyang ranking na pasok sa Top 100, at nasa 75th spot sa ngayon. 

"I'm in complete disbelief right now. I'm on cloud nine," sabi ni Eala sa kaniyang pagkapanalo.

Muli namang binati ni Rafa Nadal, dating world no. 1, si Eala sa isang post sa X: “We are extremely proud of you, Alex. What an incredible tournament! Let’s keep dreaming!”

Sa academy ni Nadal nagsanay si Eala.

Ipinost pa ni Nadal ang graduation photo ni Eala sa academy at nakasama sa larawan si Iga.

Nagbunyi rin ang mga Pinoy athletes at celebrities sa panalo ni Eala.

Ilan sa kanila ay sina Philippines’ first Olympic Gold Medalist Hidilyn Diaz, Kapuso actors David Licauco at Carla Abellana.

Pati ang Kapuso sports broadcaster na si Martin Javier, Binibining Pilipinas Grand International 2016 Nicole Cordoves, at content creator na sina Isabelle Daza, at Erwan Heussaff.— FRJ, GMA Integrated News